Malapit na ang paglisan ng 2010 at isang bagong taon na naman ang darating. Isang taon na naman ang lumipas, saan na nga ba ako ngayon? Sa bawat taon, madami ako nakikita, nakikilala. Madami-dami din akong nasagap na mga tsismis at naikwento sa ibang tao. Isang taon din ang ginugol ko upang maging ganap na tao ako. Nilalang na masasabing nagkasilbi din kahit na papaano.
Isang bagong taon. Isang malaking pagsubok.
Enero noon. Unang beses kong mawalan ng trabaho. Hindi dahil nagresign ako o naterminate, kundi dahil nagsara ang kumpanyang aking pinagtatrabahuhan. Masaklap ang pasok ng taong 2010 sa akin, pero dahil din doon, ako’y nagkaroon ng madaming kaibigan. Sila ang naging sandigan ko. Isang grupo naming tinawid ang hamon ng buhay habang papasok ang taon.
Naging masama man ang pasok ng taong ating lilisanin, isang magandang simula naman ang aking natagpuan sa piling ng mga bagong kaibigan.Gayunpaman, sa aming dinanas, naging mas matatag kami at sabay-sabay na nagpapalakasan ng loob kahit kitang-kita ang sakit ng pakakawalay sa isa’t isa.
Isang panibagong trabaho. Mga bagong kakilala.
Ako man ay nawalan, di ako tumigil sa paghahanap ng dapat kong kalagyan. Isang kumpanya nag tumanggap sa akin. Maswerte nga ata ako. Di naman sa pagmamayabang, pero di ako masasabing nawawalan ako ng trabaho. Laging may panibagong trabahong naghihintay sa akin. Tama nga siguro ang sinasabi ng horoscope ko. Maswerte ang Aries ngayong taon.
Sa isang call center sa Junction ang tumanggap sa akin ng walang kahirap-hirap. Mga bagong kakilala na naman. Isang masayang barkadahan. May isang ulirang ina. Isang martyr na asawa. Isang pilantropo. Isang galing Afghanistan. Isang totoy-look. Mga die-hard fans ng Twilight Saga. At isang Shrek. Naging kaagapay ko sila sa mga pagsubok kahit na sabihin natin na ilang buwan lang.
Nagkahiwa-hiwalay kami. Napunta sa iba-ibang account. Madami ulit ako nakatagpong mga bagong kaibigan. Masasabi kong mayaman na ako sa kaibigan. Mga walang-hiya kong kaibigan na nagpapasaya sa akin hanggang sa mga huling araw ko na kasama sila. Panay man ang asar nila sa akin, naging kampante naman ako na hindi nila ako iiwan. Maraming salamat.
Paalam, aking pilantropng kaibigan.
Unang beses kong dumalaw sa burol ng isang malapit na kaibigan. Ang taong 2010 ang nagpalasap sa akin ng tamis at pait ng buhay. Isang kaibigan ang pumanaw. Kaibigang naging isang malaking MORAL LESSON para sa amin lahat. Isang kaibigang sa kabila ng mga dagok sa buhay ay patuloy pa rin sa paglaban hanggang sa huli para sa ikabubuti ng kanyang pamilya. Isang ama at asawa na kahit nahihirapan ay patuloy na nakikipaglaban sa maraming pagsubok.
Palatawa. Isang kaibigang masasaldalan sa oras ng kalbaryo. Isang mapagmahal na asawa, ama at anak. Kuya, alam kong nasa isang magandang lugar ka na ngayon. Wag kang mag-alala. Kahit saan kami magpunta, kasama ka sa aming mga dasal. Maraming salamat sa isang nakabubusog na experience kasama ka.
Tatay, Mahal na mahal kita.
Sa taong 2010, nawala ang isa sa pinakaimportanteng tao sa aming mga buhay. Ang tatay. Tahimik siyang pumanaw. Isang nakagugulat na pangyayari na ikinalungkot ng buong angkan. Ni hindi ko man lang siya nasilayan bago pa man siya mawala sa mundo. Hanggang ngayon ay pinagsisisihan ko na hindi ko man lang siya nayakap bago pa man siya tumawid sa tulay ng nagliliwanag na lugar.
Tatay, di man kita nayakap sa huling pagkakataon, palagi ka naman nasa puso ko. Salamat sa mga aral. Mahal na mahal kita.
Lucky, isa kang tunay na kaibigan.
2010 din nang mawala ang isa sa pinakaloyal na kaibigang aming nakilala. Si Lucky-isang aso. Oo. Ilang taon din namin siya inalagaan. Itinuring na kapamilya. Ngunit sa isang iglap, siya’y namaalam sa akin.
Sa dami ng aming pinagdaanan, nauna na siya bumigay. Ngunit sa huli niyang hininga, tinitigan niya ako at alam ko, siya ay namamaalam na.
Isang masayang samahan kasama ang isang masayang grupo.
Bagong pamilya ang aking natagpuan sa piling ng aking mga bagong katrabaho. Mga kalog kahit sa umipisa ay tatahitahimik lang. Magugulo. Maiingay. Masasaya kasama. May mga green-minded. May isang kaibagang college ko pa kakilala. May isang puro Hello Kitty at itim na damit ang gusto, may isang tampulan ng asaran dahil sa kanyang pinanggalingan. Isang masayang barkadahan. Kasama sa kulitan, ingayan at biritan. Ang nagpapagaan sa mga oras na nakakabagot at trabahong nakakapagod.Isang pamilya na di alintana ang kahihiyan dahil higit pa sa kaibigan ang turingan. Salamat sa isang masayang year-ender mga friends. Sa susunod na taon ulit. Isang bagsak ng palakpak para sa ating lahat!
Sari-saring balita. Iba-ibang kakilala.
Ikinasal na si ganito. Nagkaanak na si ganyan. Samu’t saring kwento ang nasagap ko sa taong ito. Dala na din siguro ng dami ng aking kakilala, naging ordinaryo na lang sa akin ang ganyang mga kwento. Masaya ako para sa kanila. Alam kong masaya naman sila sa kanilang piniling landas.
Di ako naniniwala sa Horoscope ni Madam Auring dahil alam ko na tao din ang gumagawa ng kanyang kapalaran. ‘Sang taon ng iba’t ibang karanasan man ang aking nalampasan, isang batalyon naman ng kaibigan ang aking natagpuan. Di man ako mayaman sa salapi, naging mayaman naman ako sa kaibigan. Isang taon na pinuno ng pagmamahal at batian.
Isang panghabambuhay na pagmamahalan.
Sa likod ko, may isang nakasalo. Ang aking John Lloyd. Ang nagagalit sa akin kapag di ako nagdadala ng jacket sa opisina pero di ako matiis kapag ako ay nagkakasakit. Ang isang tao, bukod sa aking pamilya na di nagsasawang magpaalala na may karamay at kakampi ako sa oras ng kagipitan. Ang nagpapasaya sa akin pag ako ay nalulungkot gamit ang kanyang pamatay na mga joke na kahit corny ay natatawa naman ako. Di siya nagsasawang asarin ako dahil sa taba na aking naipon sa buong taon, pero lagi pa din pinapaalala na maganda pa rin ako at mahal na mahal pa din ako kahit ako pa pinakamatabang tao sa mundo. Mahal na mahal din kita. Salamat sa isang bonggang-bonggang pagmamahal na iyong pinaramdam sa akin.
Ang aking pamilya na laging andyan magunaw man ang mundo. Tinatanggap ako kahit na ako na ang lumalayo. Mga kapatid kong ubod ng sutil pero mahal na mahal ko. Mga magulang na pinapatnubayan ako kahit nagpapasaway ako. Kayo ang sandalan ko kapag nahihirapan na ako sa buhay. Sila ang vitamins ko pag ako’y nanghihina na. Mga taong iba-iba man ang ugali, habambuhay ko naman mamahalin.
Isang huling sulyap sa iyo, 2010.
Ang taon na ito ay aking lilisanin ng may isang batalyon ng sandata. Mga kaibigan kakilala at kapamilya. Isang taong nagmamahal mula pa nung mga nakalipas na apat na taon. Sila ang bumuo ng aking 2010. Lilisanin man natin ang taong ito, habambuhay naman natin itatatak sa ating isipan ang isang masayang samahan na di kailanma’y maaagaw sa atin. Sama-sama natin sasalubungin ang isa pang taon ng may pag-asa at pagmamahal sa isa’t isa.
Maraming salamat 2010 sa mga kaibigan na iyong binigay. Si 2011 na ang susunod. Nawa’y maging makabuluhan din ito katulad mo. Paalam at salamat.
Buong pusong nagpapasalamat,
Joanne Marie Punzalan Y Bravo, 2010
No comments:
Post a Comment